Basket ng Pag-Ibig

an ekphrasis on Fernando Amorsolo's "A Basket of Mangoes"

Basket ng Pag-Ibig
by Anthea Cabrestante (2014)

Sa pag-ibig na inosente, pusok ang nangibabaw
Hindi na inalintana na ang puso niya ay hilaw
Pinaluha, pinatangis, matagal na naghinagpis
O bakit ang ngiti mo’y sadya pa ring kay tamis?

Ang iyong hilaw na puso na ubod pa ng asim
Kung magmahal ay daig pa ang karagatan sa pagkalalim
Ang lahat ng nagtangkang ipagsibak ka ng kahoy
Sa huli ay iniwan rin ang iyong pusong nananaghoy.

Anong puno ang pinuntahan ni Nene sa kanilang bakuran
At puro hugis-puso ang laman ng kanyang sisidlan?
Ilang binata na ba ang sumuyo sa malambot na puso
Na binalik lamang nang pinagsawaa’t pinagpira-piraso?

O dalagang nagtataglay ng nakamamanghang alindog
Hindi nakapagtatakang marami ang nahuhulog
Ngunit ang puso’y marupok, at nag-iisa lang ito
Sa ilog ng iyong luha, kailan ka pa ba matututo?

Pagkalipas ng panahon sa ilalim ng langit na bughaw
Ay iyong tinipon ang mga puso mong hinog at dilaw
Ang mga pagkakamali mong nauwi lamang sa kasawian
Ngayon ay pinag-isa mo sa iyong munting sisidlan.

Ang tamis at halimuyak ng iyong paghihintay
Ay nagmula sa sisidlan ng pag-ibig na iaalay
O pag-ibig mong kay tamis, kay sarap, sa iyong pagdarasal
Ngayo’y makakamtan lang ng lalaking laan ng Maykapal.


0 comments:

Post a Comment

Powered by Blogger.